May napupuntahan ba?

Minsan, napapaisip ako kung bakit sa dami ng dinadaluhang mga pandaigdigang pulong ng mga kinatawan ng Pilipinas mula sa iba’t ibang ahensya, bakit tila malayo pa rin sa pamahalaan ang karaniwang mamamayan? Bakit tila kapos na kapos pa rin ang kanilang kamalayan sa mga usaping kasangkot ang Pilipinas? Taun-taon, milyun-milyong piso ang ina-allot para sa transportasyon at tirahan ng mga kinatawang pinapadala, gayundin para sa mga sugo (ambassador) at konsul. Nariyan din ang mga ipinapadalang kinatawan mula sa ilang ahensiya ng pamahalaan. Pagdating kaya sa Pilipinas, naipaparating din ba ang kanyang mga natutunan? Baka naman ilalagay na lang din sa ‘minutes’ para sa documentation for future reference. Hindi na bago ang mga bagay na ito, lalo na iyong mga nasa loob ng airconditioned offices.

Sanhi ba ito ng kawalang pakialam ng karaniwang tao sa mga usaping politikal, ekonomiko, at diplomatiko? Kung panlipunan kasi, hayag na hayag at napakalinaw na sa kanilang kamalayan ang realidad ng kanilang estado. Malinaw ding ang agwat sa pagitan ng mga nasa kapangyarihan, mga nasaa laylayan nito, at iyong mga nakamasid lamang dito. Malamang narinig na rin natin ang karaniwang argumento ng karaniwang tao, “uunahin ko pa ba yan kaysa sa kumakalam na tiyan ng pamilya ko?”

Hindi kaya ang pamahalaan ang tila walang tapat na layuning iahon ang masa mula sa kanilang sitwasyon? Madalas na nating naririnig sa telebisyon, radyo, at mga babasahin na ang pamahalaan ay serbisyo publiko. Madalas din nating naririnig, nababasa, at napapanood ang napakaraming kaso ng paggamit sa kapangyarihang politikal upang payamanin ang sarili at pamilya. Sigh.

 Nakalulungkot ang realidad sa Pilipinas. Minsan, nakakapaghina ng loob.

Sa huli, ayokong magmukhang kontrabida. Ah basta, kung ano na lang magagawa ko para sa bayan NANG MAY KATAPATAN, sapat na yun: MALAKING BAGAY na ang maging tapat sa serbisyo, o anumang trabaho ang mayroon ka.

Leave a comment