BYAHENG MONUMENTO HANGGANG PINILING ‘DESTINASYON’: PAGSULYAP SA MANILA LULAN NG LRT1

Sanaysay ni Aaron G. Laylo, MIS

Ako si Aaron, isang young professional at lakwatsero.

Sa sanaysay na ito, layunin kong galugarin at muling tuklasin ang kultura at pamumuhay Manilenyo lulan ng LRT 1: Byaheng Monumento-Baclaran. Occasional lang ang pagsakay ko sa LRT – kapag may kailangang puntahang opisina sa Manila, kapag pupunta sa Mall of Asia, o sa bahaging Sta.Cruz at Intramuros para mamasyal sa tinuguriang Old Manila. Bagama’t paminsan-paminsan lang, ang bawat pagsakay ko sa LRT ay tila pamamasyal at muling pagtuklas sa kalunsuran ng Maynila – at ang panaka-nakang pagkakakatawan nito sa bansa, isang mikrokosmo ng kalagayan ng Pilipinas at ng Pilipino. Ako ngayon si John Cruz (makabagong Juan dela Cruz), isang pasaherong gumalugad sa Manila lulan ng tren ng kasaysayan.

Monumento Station: “Sugod mga kapatid”

Alas-siete nang umaga at tuluy-tuloy ang pagdating ng mga pasaherong pumipila sa mahabang ticket queue sa Monumento Station.  May ilang fresh-freshan ang dating habang inaayos ang kanilang uniporme, may mga pa-cool habang nakikinig sa kanilang ipod/ cellphone; mayroon ding ilan na tila may megaphone sa lalamunan dahil lakas ng boses habang nagkukuwentuhan. Matapos ang matagal na paghihintay, nakuha ko na aking ang ticket-card. Paglampas sa ticket-card detector, ilang minutong paghihintay na lamang at maakasakay na rin ang mga pasahero. Ilang saglit pa, maririnig na ang dagundong ng paparating na tren. Pagbukas ng pinto, “Sugod mga kapatid.”

Ilan lamang kami sa mahigit labinlimang milyong regular at occasional na mga pasahero ng LRT 1 kada buwan – iba’t ibang mukha ng madla, mula sa iba’t ibang larangan, mula sa kung saan mang parte ng kalunsuran. [1] Sa bawat araw na binabagtas ng regular passengers ang ruta ang LRT 1, sinalamin din nila ang pakikipagsapalaran ng mga karaniwang Pilipino na binagtas ang kasaysayan, kahit bilang tinuguriang madla lamang – masa, jologs, commoners, ordinaryo.  Sila ang buhay na halimbawa at kinakatawan ng monumentong nakatayo ilang metro mula sa mismong istasyon.

Siguro ganun talaga kapag mahalaga sa’yo ang isang bagay – handa kang maghintay gaano man katagal ang abutin. Sa kaso ng mga rebolusyonaryo, inasam nila ang mailap sa kalaayan na kanila namang nakamit kahit panandalian lang. Pawis at dugo, maging buhay, ang naging puhunan para makamit ang inasam para sa bayan. Sa kaso ng mga pasahero, inasam naming makasakay sa LRT, kahit nakatayo sa loob, para lang makarating sa destinasyon. Pawis at matinding pakikipagsiksikan ang mga puhunan para makasakay sa popular na tren ng madla.

Nakatirik ang Monumento sa Caloocan, hindi sa Manila, ngunit gaya ng Avenida at Taft na mga pangunahing kalsadang dinaraanan ng LRT, magkaugnay din ang kasaysayan ng mga lungsod na ito, lalo na ang mga hinabing karanasan ng sinumang Pilipinong nakasakay na sa ating kasaysayan.

Sa loob (at labas) ng tren

Bilang maginoo, bagamat minsan ay depende pa rin sa mood ko, hinahayaan kong mauna sa upuan o kaya nama’y paupuin ang matatanda (senior citizens) at mga babae. Ayos lang naming nakatayo pero titiyakin kong malapit ako sa magandang puwesto – kung saan makakatanaw ako sa bintana. Hindi ko alam kung nakatutuwang pagmasdan ang mga bubong, ang ilan ay nangangalawang pa, may ilang meron pang gulong na nakapatong, at masisikip na eskinita at mga lansangan sa pagitan ng mga ospital, simbahan, mga eskuwela at kolehiyo. Ilan pa lamang ang mga ito sa mga tanawin lulan ng LRT 1. Ordinaryo na sa mga taga-lungsod ang trapik at siksikan sa mga kalsada. Pero marahil, ang mga ito rin ang nagbibigay kulay sa pisikal na anyo ng Kamaynilaan. Maririring mo rin ang Manila sa tuwing bubukas ang mga pinto ng tren – ang mga bosina at maingay na engine ng mga pampublikong sasakyan lalo na sa mga pangunahing junction/ crossing station. Kung minsan, nagiging musika na rin ito sa akin, sa halip na ingay. Maamoy mo rin ang lipunan sa loob ng tren – mga estudyanteng amoy cologne, mga young professional na amoy classy perfume, at ilang trabahador na amoy sibuyas o bawang. Iyon ang realidad sa Manila, at ang mga ito ang nakadaragdag ng kulay, amoy, at tunog sa kalunsuran.

Mga Tanawin, Gusali at Liwasan ng Kasaysayan

Lulan ng tren, matatanaw mula sa bintana ang mga istuktura at pook na nagpapaalala sa kasaysayan ng Manila. Nariyan ang Ilog Pasig na madaraanan pagkalampas ng Carriedo Station. Bago pa man daanan ng mga insular, ilustrado, at indio ang mga kalsadang bato ng Manila, binaybay ng mga sinaunang Pilipino lulan ng mga balangay at balsa ang pangunahing lagusang tubig na dumadaloy sa kasalukuyang kinatitirikan ng Kamaynilaan. Nakakatuwang pagmasdang malaki na ang ikinalinis ng Ilog Pasig kung ihahambing sa hitsura at amoy nito mga sampung taon na ang nakalilipas. Naroon pa rin ang mga lumulutang na kiyapo (water lily) na bumabati sa ilang pampasaherong ferry na bumabaybay sa ilog. Paglampas dito, ilan sandal pa’y matatanaw na ang Post Office at Manila City Hall habang papalapit sa Central Station. Ang mga nabanggit na gusali ay itinayo sa panahon ng mga kolonisasyong Amerikano sa Pilipinas kaya kapansin-pansin ang neo-klasikong arkitektura ng mga ito. Gayundin ang Metropolitan Theater na batay naman sa art deco. Nakapanghihinayang nga lamang na tila kumukupas na o sadyang kumupas na ang dating marikit na anyo ng mga gusaling nabanggit.

Maraming kabataang lumabas sa Central Station. Kaya pala, nasa istasyong ito ang SM City Manila kung saan maraming nagha-hang-out (kung walang pasok) o kaya nama’y tumutuloy sa Intramuros kung saan matatagpuan ang ilang kolehiyo gaya ng Lyceum of the Philippines at Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. May mga bumaba ring naka-uniporme bagamat hindi na kabataan – ilan sa kanila ay mga kawani ng mga ahensiya ng pambansa at lokal na pamahalaan (DOLE, Manila City Hall atbp.) Maaliwalas ang tanawin sa bahaging ito ng Manila.

Isang istasyon pa at naging mas maaliwalas dahil bumungad na ang Luneta sa ilalim ng UN Avenue Station. Mula sa istasyong ito, mararating mo ang ilang simbahan gaya ng Cathedral of Praise, Cosmopolitan Church; tanggapan ng pamahalaan gaya ng Department of Finance at Department of Tourism (na kakikitaan din ng neo-klasikong arkitektura tulad ng kalapit na mga gusali ng National Museum); at ang Liwasang Rizal na mas kilala bilang Luneta. Interestante ang pagsilip sa kasaysayan sa tulong mga artifact sa loob ng museo –paglakakad habang sinusundan ang mga bakas ng nakalipas.

Pamilyar na sa akin ang Luneta at mga karatig na pook nito dahil madalas kaming magkakapatid dalhin dito ng aming mga magulang noong kami’y bata pa. Gayunman, sa tuwing napapadaan ako sa luntiang liwasang ito, may kung anong sigla pa ring dumadaloy sa aking mga alaala at pananabik para tuklasin ang mga bagong atraskyon. Halimbawa, bago lang sa akin ang dambuhalang tansong istatwa ni Lapu-lapu bagamat matagal na pala itong itinayo sa liwasan. Bago rin sa akin ang dancing fountain na kinagigiliwan ng madla at maging ng mga turista lalo na kapag gabi at tuwing may mga pagdiriwang sa parke. Tulad ng mga batang bumubusilak ang ngiti tuwing binibili ng ice cream o balloon ng kanilang mga magulang, gumuguhit din ang ngiti sa aking mga labi kapag binabalikan ang mga kalsadang minsan kong binagtas bilang bata.

Gaya ng mga batang tila walang anumang problema – silang masayang tumatakbo sa Luneta, sana magawa ko ring takbuhin nang maaliwalas at malaya ang aking mga pangarap. Wasto nga ang sinabi ni Jesus na dapat magkaroon ng pananamapalatayang gaya ng sa musmos. Kung kagaya lang siguro ng mga musmos ang kapayakan ng pag-iisip at kawalan ng pagpapanggap sa kapwa, marahil magiging mas mabilis pa sa takbo ng tren ang pag-usad ng lipunang Pilipino.

Ngayong ako’y isa nang batang propesor sa unibersidad, may mga katas pa rin ng pananabik gaya ng isang musmos. Hindi iyon maaaring mawala sa sinuman. Marahil malalim ang pinaghugutang karanasan ni Rizal na binitawan niya ang katagang “kabataan ang pag-asa ng bayan.” Maliban sa ngiti ng kabataan, ang kanilang daynamismo at pagiging malikhain ang sinasabing susi sa pag-angat ng bawat bagong henerasyon ng bansa. Malamang sinadya ring nakaharap sa Manila Bay ang istatwa ni Rizal bilang tanda ng pagtingin sa mas malawak na hinaharap ng bansang ito. At oo, may hinaharap ang bansang ito.

Sa Pedro Gil at Vito Cruz stations, karaniwan nang mapapansing kabataan ang bumababa at sumasakay. Mula rito, mararating mo ang campus ng UP Manila at DLSU, dalawa sa mga pangunahing unibersidad sa bansa. Nakakatuwa lang din na habang simpleng t-shirt at maong ang suot ng ilang estudyante, naka-porma naman ang ilan bitbit ang kanilang signature bags. Sila ang ibang pang mukha ni John Cruz – kinatawan ng bagong henerasyon. Sa huli, pare-pareho silang mag-aaral – mga kabataang inaasahang magiging bahagi ng paghulma sa kinabukasan ng Pilipinas. Sila rin ang sumasalamin sa mga pangarap ng bawat henerasyon, ang makasakay sa tren ng pag-unlad.

Tungo sa Destinasyon

Mula Vito Cruz, tatlong estasyon pa bago marating ang huling stop, ang Baclaran. Pero aaminin kong hindi pa ako nakaabot sa Baclaran station. Sabi ng ilang kaibigan, maraming murang bilihin sa tiange ng Baclaran. Dahil siguro nakasanayan ko nang tumuloy sa mall kaysa tiange, gaya ng ibang karaniwang kabataan, mas pinipili kong bumaba sa EDSA station para sumakay ng jeep patungong Mall of Asia. Sa EDSA station nagtatagpo ang LRT 1 at MRT. Para sa akin, ang tagpuan ito ay sumasalamin sa dalawang landas ng lipunan at kasaysayan ng Kamaynilaan at maging ng bansa: habang binabagtas ng LRT 1 ang makikitid na lansangan ng Avenida Rizal at Taft Avenue, tinatahak naman ng MRT ang malapad na lansangan ng EDSA. Tunay, makitid ang landas na tinahak ng mga Pilipino mula sa pagsugod ng kanilang kapatiran laban sa mga mananakop; pero sa huli, sadyang tumutuloy din ito sa kapalaran ng mga sumunod na henerasyon, at batay sa kanilang pagpili (matalino man o padalus-dalos), kanilang haharapin ang bunga ng kanilang mga askyon.

Mas madalas kong nasasakayan ang MRT kaysa LRT. Mas maaliwalas at malawak ang tanawin lulan nito. Gayunman, may kung anong rikit ang Maynila na aking patuloy na natutuklasan lulan ng LRT 1. Hindi man ako umabot sa Baclaran, masaya pa rin ang byahe dahil sinikap kong marating at sadyang galugarin ang karamihan sa mga lugar na tinitigilan ng tren. Isang araw, isasama ko rin ang Baclaran bilang bagong destinasyon. Laging may bagong matutuklasan.

Ako si Aaron aka John Cruz. Tinahak ko ang lipunan at sinulyapan ang kasaysayan lulan ng tren.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s