Kusog sa Katawhan, Gahum sa Tanan

Aaron Laylo

Pagninilay para sa Araw ng Kasarinlan 2010

(This reflection piece was delivered by the author on the morning of June 11, 2010 at the Ateneo de Manila High School Covered Courts during the high school’s celebration of the Araw ng Kalayaan, organized by the Social Studies subject area.)

Karamihan sa mga nasa bulwagang ito ngayong umaga ay ipinanganak matapos ang 1986, isang mahalagang taon sa kasaysayan ng ating bansa. Marahil silang mga nakatatanda na lamang na kasama natin ngayon ang nakasaksi at makapagsasalaysay ng mga kuwento ng kagitingan ng mga Pilipinong itinaya ang kanilang panahon at maging buhay para maibalik ang kalayaang ipinagkait sa kanila ng mahigit isang dekada. Sila na tapat na nakasaksi ng kapangyarihan ng sama-samang paglaban para sa pagbabago na ipinaiiral ng katwiran para sa hinaharap ng susunod na henerasyon – ang henerasyong ito. Samantala, tayong mga nabibilang sa post-EDSA generation ay nagkakasya na lamang sa pakikinig nang may pagkamangha sa mga salaysay ng kabayanihan – mga kuwento ng mga Pilipinong mapagmahal at nanindigan para sa pagbabago at kalayaan.

Halos dalawampu’t limang taon na ang nakalilipas ng maganap ang unang People Power. Mahigit kalahating siglo na ang nakalilipas matapos ang Pagpapalaya mula sa mga Hapon. Mahigit isang siglo na ang nakalilipas mula nang ipinagdiwang ng mga Pilipino ang Kasarinlan noong 1898, nang maipagbunyi ang kalayaan mula sa kapangyarihan ng mga dayuhan. Pero daan-daang taon ang nakalilipas, likas na sa puso ng mga ninuno natin ang pag-ibig sa kalayaan.

Bumalik tayo sa mas malapit na nakaraan. Nitong nakaraang Mayo lamang, marami sa mga Pilipino ang lumabas ng kanilang mga tahanan, pumila ng pagkahaba-baha sa mga presinto hanggang maipasok ang kanilang mga boto para sa kauna-unahang automated elections sa Pilipinas. Ang pagboto ang natatanging direktang politikal na pakikisangkot ng mga mamamayan bilang mga bahagi ng estado. Bilang bahagi ng lipunan ng bayan, o bilang mamamayan ng estado, batid ng mga Pilipino na may karapatan silang bumoto, isang pagpapakita ng kanilang kalayaan.

Kalayaan. Hindi na ito iba sa nakararami. Bahagi na ito ng araw-araw na karanasan ng nakararami. Ngunit kung minsa’y nagiging mailap sa ilan. Hindi ito pangkaraniwan sa mga pamayanang nababalot sa pananakot at kaguluhan dulot ng mga makasariling gawain ng ilan. Nagiging mailap ito sa mga pamayanang nasasadlak pa rin sa anino ng kahirapan at kaguluhan. Sa ilang bahagi ng bansa at maging sa ilang yugto ng ating kasaysayan, hindi lamang ilang beses naging hamon ang pagkamit sa matamis na kalayaan. Pero ilang beses na rin nating napatunayang kaya nating umalpas mula sa pagkakagapos; ilan beses nating napatunayang kaya nating lumaya. Kung nagawa natin noon, kakayanin din kaya natin sa kasalukuyan? Bakit hindi? Nasa kamay natin ang kapangyarihan.

Mapalad tayong nagtatamasa ng kalayaang ipinaglaban ng mga nauna sa atin. Pero mas mapalad ang mga naghahangad na magpalaya ng mga bihag ng kawalang katarungan, kahirapan, takot, terorismo, kamangmangan at iba pang suliranin sa bansa. Hindi ba’t lubos na tumitingkad ang saysay ng kalayaan kung nagagamit ito para magpalaya rin ng iba? Hindi ba’t lalong nagkakasaysay ang ating pagkamamamayan kung kinakasangkapan natin ang ating mga karapatan para kalasin ang mga nakagapos sa tanikalang nakapulupot sa mga kababayan natin?

Kung babalikan natin ang kasaysayan, matutunghayan natin ang mabubuting naidudulot ng kolektibong pagkilos. Makikita rin nating mas epektibo ito kaysa sa hiwa-hiwalay na pagsasagawa ng mga hakbang. Dahil sa kolektibong pagkilos, nakamit natin ang Kasarinlan noong Hunyo 1898. Dahil sa pagkakaisa, naitaguyod natin ang Republika. Dahil sa kolektibong pagkilos, nahikayat pa natin ang ibang lahi para manindigan para sa inaasam na pagbabago sa kanilang mga bansa. Kolektibong pagkilos din ang sinasalamin ng bayanihan matapos ang trahedyang Ondoy. Kolektibong pagkilos din ang sinasalamin ng mga kuponan ng ating paaaralan na nakapag-uuwi ng mga karangalan – maraming karangalan. Kolektibong pagkilos din ang sinasalamin ng mga proyektong nagnanais na makatulong sa pagtataguyod ng pagunlad ng kapwa gaya ng Tulong Dunong, Katipunan Fund Drive at iba pa. Dahil sa pagkakaisa, dahil sa pagtutulungan, dahil sa pagbabahagi at pakikibahagi ng bawat isa, nabubuo ang SAMA-SAMANG LAKAS NG SAMBAYANAN.

Kung nagkakaisa, nagtutulungan, at nagpapalakasang-loob, tila higit na lumalakas ang ating mga bisig, higit na tumitibay ang loob natin, dahil alam nating bahagi tayo ng magandang pagkilos na naghahangad ng magandang gawain. Maniwala tayong makakamit ang magandang pagbabago kung sisimulan, gagawin, at ipagpapatuloy ng bawat isa ang tungkuling magpalaya ng kapwa. Sa ating pagbabahagi at pakikibahagi, saka lalong bumubukas ang mga pagkakataon (mga pinto ng pagbabago) para mapalaya ang ating sarili at kapwa.

Sa bawat pagkakataong napagtatanto at napakikinabangan natin ang saysay ng SAMA-SAMANG PAGKILOS gaya sa Rebolusyong 1896-1898 hanggang People Power Revolution hanggang bayanihan at damayan sa kasalukuyan, higit na lumuluwag ang tanikala. Dahil sa pangingibabaw ng pagmamalasakit at pakikipagkapwa, napapalaya natin ang ating bayan. Dahil sa sama-samang pagkilos, naitataguyod natin ang ating bansa. HIGIT TAYONG LUMALAKAS. Sa huli, tanging sa pagsasakripisyo lamang ng sarili para sa mga kapwa naisasakatuparan ang tunay na PAGLAYA AT PAGPAPALAYA.

SA HIGIT NA PAGTITIWALA SA MAYKAPAL, pagpapanatili ng alab ng ating mga hangarin bilang bayan, at patuloy na pagsisikap para sa magandang kasalukuyan at hinaharap, uunlad ang ating bayan.

Lasapin natin ang kalayaan. Palayain ang kapwa. MAGPALAKASAN.

Kusog sa katawhan, gahum sa tanan. Lakas ng sambayanan, kapangyarihan ng lahat.

Pag-isahin nawa ng Diyos ang ating lahi at pagpalain tayo.

Mapagpalayang umaga sa ating lahat.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s