Post- EDSA Generation

2327559911_b88fd01249Kabilang ako sa Post-EDSA Generation at ang henerasyong ito ay unti-unti pa lamang nahihinog sa tunay na kahulugan ng pagka-Pilipino. Nang pumaimbabaw sa kasaysayan ang People Power Revolution sa EDSA noong 1986, 4 na buwan pa lamang akong nabubuhay sa mundo. Parang kasing edad ko lamang ang Rebolusyong ito na naging patunay na nananaig talaga ang katapangan at kagitingan sa diwa ng mga Pilipinong matagal na nasiil sa kadliman ng diktaturya. Naging huwaran pa nga ito para sa mga lipunang matagal ding nagtiis sa mapaniil na rehime ng kanilang awtoritaryang pamahalaan gaya nang sa ilang bansa sa Asya, Europa, at Soviet Bloc. Nakilala sa mundo ang katapangan ng mga Pilipino sa maluwalhating yugtong iyon ng kasaysayan ng bansa.

Kasabay sa aking pagtanda, sinikap ng henerasyong naglunsad ng People Power na mapanatili ang kababalik pa lamang na demokrasya. Bilang isang preparatory school student, wala naman akong malay na halos 7 taon pa lamang mula ng pinasibol ng Diyos ang aking buhay sa mundong ito, nagsisikap pa ring muling bumangon ang sambayanang matagal na nagtiis para muling makamit ang kalayaan. Ang naibutan ko lang kasi noon batay sa nahagilap mula sa aking alaala ay mga larawan ni Cory Aquino sa pader ng aming klasrum. Maliban doon, wala na akong maaalalang bakas ng People Power. Sa aking pagtungtong sa grade 1, hindi naman agad itinuro sa amin ang tungkol sa People Power Revolution. Ni hindi ko na rin masyado maalala ang mga itinuro sa akin ng Sibika teacher kong si Gng. Resi. Dumagdag ang mga taon. Natagpuan ko ang aking sarili na bahagi ng henerasyong tila kimi (apathetic) sa mga kaganapan sa kanilang lipunan. Marahil nagsawa na rin ang ilan sa kakaasa sa mga bagong lider na nangangako ng pagbabago para sa bansa. Lalo na nung panahon ng panunungkulan ni datng pangulong Estrada, tila isang busabos sa kasaysayan ang lipunang napapalibutan ng samu’t saring suliranin at pinakamabigat dito ay kahirapan. Tila isang malaking busabos ang Pilipinas sa hanay ng mga bansa sa Timog-Silangang Asya. Ilang taon lamang ito mula nang lindolin ng Asian Financial Crisis ang ekonomiya ng bansa. Naalala ko, isa ang pamilya namin sa matinding naapektuhan ng krisis na ito nang bumagsak ang negosyo ni mama. Isa kami sa maraming Pilipinong nagsikap na umahon sa kabila ng pangyayaring ito. Pinanghawakan naming walang ibang maaasahan kundi ang Diyos. Tanging Siya lang. Pero kailangan pa rin kumilos. Dapat may ginagawa. Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa. Nagsikap kaming umahon. Kasabay ng maraming Pilipinong balisa sa kanilang hinaharap, nagsikap kaming unti-unting tumayo at harapin ang hamon ng panahon. Dito na ako unti-unting namulat na realidad ng lipunang aking kinabibilangan -isang lipunang nanatiling biktima ng nabubulok na sistemang pulitikal. Pero uunahan na kita, batay ito sa perspektibo ng isang high school student.

youthNang tumuntong ako sa kolehiyo bilang mag-aaral ng UP, humampas sa aking unti-unti pa lamang nabubuksan na diwa bilang simpleng mamamayan ang mga protesta laban sa pamahalaan. Niyaya pa nga ako ng isang kamag-aral na sumali sa isang rally. Tinawagan ko mga magulang ko para magpaalam (siempre good boy) at sabi ni mama “Huwag na huwag kang sumali, aatakihin ako sa puso sa gagawin mo.” Marahil isa nga iyon sa mga dahilan kung bakit maraming magulang ang natatakot paaralin ang kanilang mga anak sa unibersidad ng mga aktibista. Sa aking pag-iisip, mananatli lang ba kaming naghihintay sa pagbabago? Hindi magkakaroon ng pagbabago kung walang kikilos. Pero ang pagkilos ay hindi lamang natatali sa pagsali sa mga protesta laban sa pamahalaan. Ang pakikisangkot ay pagsisikap na gawin ang iyong kaya bilang iyong paraan ng pagtataya para sa pagtataguyod ng bansa. Bilang mag-aaral, nag-aral akong mabuti at nagtapos nang may karangalan. Pero ayokong maging hipokrito at sasabihing ginawa ko iyon para sa bayan. Hindi ko agad naisip ang bayan. Ginawa ko iyon para sa higit na ikaluluwalhati ng Diyos, para sa ikararangal din ng aking pamilya at para sa aking magandang kinabukasan. Huli sa aking mga naisin ang pagbibigay karangalan para sa aking bansa. Medyo ironic pa nga dahil Philippine Studies ang aking kursong tinapos.

Nang matapos ako sa undergrad, muli akong nag-aral para maging dalubhasa sa International Studies. Kasabay nito, nag-apply ako bilang guro ng Araling Panlipunan sa Ateneo. Isang mamamayang dungo, naging guro ng isang subject na nagtuturo ng pagkamakabayan? Pero salamat sa Diyos at dito Niya ako nilagay sa paaralang ito. Katuwang ang mga guro at mag-aaral, unti-unting sumibol sa akin ang katagang “Magtaya para bayan.” Pagtataya o paglalaan ng makakaya mo para sa pagtataguyod ng Pilipinas. Sa paulit-ulit kong pagtuturo at pagbibigay diin sa mahahalagang bahagi ng kasaysayan ng bansa at mga kasalukuyang isyu sa lipunan, natuto rin ako at unti-unting nagkaroon ng tunay na kamalayan. Ito na rin siguro ang aking paraan para ipakita ang aking aktibong pakikisangakot -ang ibahagi sa mga mag-aaral ang aking nalalaman at hubugin silang maging mga mamamayang may takot sa Diyos at maypagmamahal sa bansa.

Kasabay ko ang pag-usbong ng yugtong People Power sa ating kasaysayan. Kasabay din ng aking henerasyon, namulat ako sa katotohanang ito ang aking lipunan -mishmash ng mga mamamayang may pakialam at wala. Pero ito na rin siguro ang hamon sa aking henerasyon -ang makisangkot at muling pagalabin ang diwa hindi lamang ng EDSA, kundi ang diwa ng pagiging isang tunay na Pilipino -maka-Diyos, makabayan, at makatao. 🙂

Advertisements

4 thoughts on “Post- EDSA Generation

  1. Gusto ko ang nilalaman, ang pagiging tapat at silag na paglalarawan mo ng Pilipinas mula sa pagkabata hangang ngayon saludo ako sayo. Hope you response to my email as early as posible and regards to your mama-ate Trining.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s