Ang Balanse sa Lipunan

Isang Tanaw sa Sama-samang Pag-unlad at Pagkakapantay-pantay


Tuwing ako’y napapadaan sa mga lugar na may matataas na gusali at magagandang tanggapan tulad ng sa Makati o sa Ortigas, aking nasasabi sa sarili, “Umuunlad na nga ang Pilipinas, umaahon na ang bansa.” Pero matapos dumaan ang bus dito, makikita ko mula sa bintana ang mga batang gusgusin na namamalimos at ang batang nanay na nagpapasuso sa kanyang sanggol habang umiiyak ang isa pang anak sa tabi (at marahil walang padre de pamilya).

Sa pagtanaw sa mga larawang ito, masasabi pa nga bang umuunlad ang Pilipinas?Maliit na tanawin lang ito sa kahabaan ng EDSA o sa maraming bahagi ng Kamaynilaan. Paano pa kaya ang mga nasa kanayunan?

Ang distribusyon ng yaman sa bansa ay hindi pantay. Kung kaya, bagamat patuloy ang lokal at dayuhang pamumuhunan sa bansa ngunit hindi naman naibabahagi sa lahat ang mga yamang nakukuha mula sa mga ito sa pamamagitan ng mga buwis, hindi sabay-sabay ang kaunlaran. Ayon sa World Development Report 2006, kung sabay-sabay ang pag-unlad ng mga sektor ng lipunan, mas mabilis ang pag-usad ng ekonomiya at malaki ang posibilidad na maabot ang mas malaking kaunlaran. Sa kaso kasi ng Pilipinas, sadyang napakalaki ng agwat ng mga dukha sa nakaaangat sa lipunan. Ang isang pamilya, halimbawa, ay pinagkakasya ang isang instant noodles para sa sampung supling habang ang isang pamilya’y tig-iisa sa bawat instant noodles. Malaking pagkakaiba. Malaking agwat. At malaking hindi pagkakapantay. Hindi patas. Hindi balanse.

Ang pagsugpo sa hindi pagkakabalanse sa lipunan ay nangangailangan ng pagsugpo muna sa kahirapan. Nangangailangan ng komprehensibong reporma sa mga serbisyo kung saan mabibigyang tugon ang mga pangunahing hinaing ng mga mahihirap. Poverty reduction and alleviation ang nakikitang sagot ng pamahalaan dito. Sa mga programang ipinatutupad ng bawat administrasyon sa anyo ng Social Reform Agenda, Erap para sa Mahirap, Kapit Bisig Laban sa Kahirapan, iisa ang layunin ng pamahalaan, ang mabawasan at tuluyang sugpuin ang pinapasan ng mga maralita. Tinitignan ng programa kung paano mabibigyan ng magandang kabuhayan ang mga nasa kanayunan, maparami ang mga trabaho para sa karaniwang mamamayan, at mabigyan ng sapat na suporta ang kababaihan at kabataan.

Sa edukasyon, halimbawa, may mga mahihirap na estudyanteng may sapat na talino subalit hindi nabibigyan ng pagkakataong makapag-aral nang maayos dahil sa kakulangan sa materyal sa pag-aaral, pamasahe, at ang hindi pagkakatutok ng guro sa mga aralin para sa bawat estudyante dahil sa malaking populasyon sa klasrum (karaniwan sa pampublikong paaralan ay may 1 guro para sa 75 estudyante). Kung may sapat na serbisyong pangkalusugan, makapagtatrabaho nang mahusay ang magulang sa halip na mahirata sa banig ng karamdaman o kaya’y alagaan ang maysakit na anak.Kung laging ganito ang hinaharap ng mahihirap araw-araw habang abala ang pamahalaan sa pagpapalago ng ekonomiya sa macroekonomikong perspektibo, hindi nagtatagpo ang kalagayan ng magkabilang panig. Naiiwan pa rin ang mahihirap sa buntot ng kaunlaran.

Sa ganang ito, maaaring maibuod sa tatlong pangunahing lansangan ng kawalan ng balanse ang karanasan ng Pilipinas sa usapin ng pag-unlad at pagkakapantay-pantay: aspetong politikal, ekonomiko at sosyo-kultural.

Politikal ito dahil ang mga layunin, polisiya, plano, programa at mga proyektong pangkaunlaran ng pamahalaan ay ang mga pangunahing nagsasagwan sa bangka ng bansa. Ang taumbayan ay handang sumagwan pero may ilang hindi sumasabay sa kumpas ng namumuno dahil sinusunod ang makasariling pananaw. Dahil dito, hindi nababalanse ang pagsasagwan kaya hindi umuusad o kung umuusad man ang bangka, ubod ng bagal. Sa ganitong bagay, kailangan ng matibay na paninindigan sa politika- paninindigang ang pamunuan sa bansa ay hindi isang pook ng pag-aangkin kundi pagbibigay at pagmamalasakit. Ang puwesto sa pamahalaan ay dapat maging luklukan ng mga taong may pag-unawa sa kalagayan ng mahihirap at sinserong maglingkod.

Sa aspetong ekonomiko, natitipon ang yaman ng bansa sa sentro gaya ng Kamaynilaan, at mga karatig-pook nito habang ang mga nasa lalawigan ay hindi nabibigyan ng tamang suporta. Ang ilang lungsod gaya ng Cebu at Davao ay panakanakang nakikitaan din ng asenso pero ang mga lalawigang karatig nito ay nanatiling mahihirap. Sa mga nakatala sa Philippine Human Development Report mula 1994 hanggang 2004, kapansin-pansing ang mga pinakamahihirap na lalawigan ay yaong nasa Silangang Kabisayaan, Bikol, at mga bahagi sa Mindanao. Agrikultura at pangingisda ang karaniwang kabuhayan ng mga tao dito pero kung kapos pa ang suporta, paano pa sila makakaahon?

Malaki ang di pagkakapantay-pantay sa sosyo-kultural na usapin. Sa maraming bahagi ng bansa, kalunsuran man o kanayunan , namamayani ang diskriminasyon sa katayuan sa buhay, pinagmulang pamilya, ‘di pagkakaroon ng kapantayan sa pagtingin sa kasarian, mga katutubong nakararanas ng diskriminasyon sa edukasyon, larangan, hanapbuhay at iba pa. Kung hindi nahahasa o mas malala, hindi nabibigyan ng pagkakataong umunlad ang lakas paggawa, paano aabante ang ekonomiya?

Hindi lamang simpleng equality o pagkakapantay-pantay ng distribusyon ang kailangan para umasenso ang bansa. Higit na mahalaga ang equity o ang pagtingin ng mamamayan sa kung ano ang patas. Pareho itong mahalaga upang makamit ang inaasam na progreso.Sa isang rowing team, mahalaga ang lakas ng braso ng mga nagsasagwan pero higit na kailangan ng sama-sama at sabay-sabay na pagkilos upang bumilis ang bangka.Pero may malaking suliranin: marami ang nagsasagwan pero hindi pantay ang lakas ng mga ito. Ang ilan ay malakas habang ang iba ay naaagawan pa ng lakas. Paano pa uusad ang bangka? Dapat ay patas ang lakas na natatanggap ng bawat kasapi ng team o lupon. Kailangan ng determinasyon ng nangunguna at balanse para sa mga nagsasagwan.Sa pag-aaral naman ng bisikleta, hindi ka matututo kung hindi mo kayang timplahin ang bigat o gaan ng katawan lalo na ng mga paa sa pagpepedal. Kailangang may balanse para umandar ito.Sama-samang paggawa, sabay-sabay na pagkilos, harmonya, pagtutulungan, kooperasyon, balanse at higit sa lahat, direksyon, pokus at determinasyong magawa ang dapat gawin- ang mga ito ang siyang layunin ngayon at dapat pag-ibayuhin pa ng pamahalaan lalo na ng namumuno.

Isang araw, nakangiti na ang mga bata sa lansangan at hindi na gusgusin. May sapat nang pagkain sa mesa ang bawat pamilyang Pilipino.

Uusad din ang bangka natin.
Pagpalain nawa ng Diyos ang ating bayan.

Sources:
Balisacan, Arsenio. An Introduction to the Key Issues in The Philippine Economy: Development, Policies, and Challenges. QC: ADMU Press, 2003

Bautista, Victoria. A Decade of Governance Innovations and Gaps in Poverty Alleviation presented at the Int’l Conference on Public Administration Plus Governance. QC: UP-NCPAG, 2002.

Executive Summary 2005 http://www.news.ops.gov.ph/

Philippine Human Development Report 1994 through 2004 Philippine Medium Term Philippine Development Plan 2001-04, 2004-10 http://www.neda.gov.ph/

World Development Report 2006: “Equity and Development” http://www.finfacts.com

*This essay won the top prize in the Filipino category of the Essay Competition in the 2006 Panibagong Paraan (Development Innovation Marketplace) by World Bank Philippines.

 MANILA, May 26, 2006

Panibagong Paraan 2006, the country’s largest and most unique bazaar of ideas that promotes development with equity, opened today at the Megatrade Hall, SM Megamall, Mandaluyong City.

 A multi-partner undertaking initiated by the World Bank and the Department of Social Welfare and Development (DSWD), Panibagong Paraan 2006 also awarded the winners in the essay (both in English and Filipino), photography, and policy proposal contests. The winners also received cash prizes. World Bank Country Director for the Philippines Joachim von Amsberg, DSWD Secretary Esperanza Cabral, and representatives from partners and sponsors awarded the winners. In his welcome remarks, Mr. von Amsberg said that during the two-day event “we celebrate, learn from, and are inspired by innovative, successful project and approaches to fight poverty.” “For the culminating event of Panibagong Paraan 2006, we welcome common people, experts, leaders, government officials, and public servants who have come together for a meeting of minds that will help all Filipinos contribute to and benefit from the country’s progress,” he added. 

Catherine Liamzon’s “A Formula for Disaster,” and Early Sol Gadong’s “Reclaiming the Edge of Education” both won first place in essay writing in English. Aaron Laylo’s “Ang Balanse sa Lipunan,” won second prize in essay in Filipino, but no first prize winner was named in this category. Cleober Sinues’ photograph titled, ‘Wuthle: Rebuilding Lives After Leprosy,” won first prize….

 The “expression of ideas” competition was launched by the World Bank and 20 Panibagong Paraan partners, along with partners like Newsbreak, the Philippine Center for Photojournalism, Inc., and Globe, and sponsors like Nokia, Makati Business Club, Manila North Tollways Corporation, and Manila Water Company to complement the project grant competition.

Advertisements

2 thoughts on “Ang Balanse sa Lipunan

  1. your piece was well written. however, it has ignored several points:

    1. Re-structuring programs of the World Bank and the WTO, demanding that the peso be devalued against the dollar and other foreign currencies.

    2. Weakening of agricultural economies (starvation of farmers, etc.)

    3. Non-existence of local hard industries

    4. The 10% stake of the Philippines in the off-shore oil deposit, which is dominated by the French Chevron and Shell.

    and so many more.

  2. Thanks for the comments. The essay entry for the competition should not exceed 2000 words. Therefore, I had to limit the content. 🙂 I wrote this essay when I was 22. I’m now 25. have become quite more mature than ever. hehe

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s